Last week pa nagsimulang dumating sa GMA Network ang mga nakapasa sa auditions ng Survivor Philippines mula sa Davao, Cebu, Iloilo, Dagupan, Baguio, at ang mga nakapasa rin sa SM North Edsa at SM Manila. Hindi pa nakukuha ng PEP ang exact numbers ng mga nakapasa sa first round ng audition ng Survivor Philippines, pero ayon sa host ng reality show na si Paolo Bediones ay puwedeng umabot ito from 120 to 130 participants.
Ang Survivor Philippines ay franchise ng sikat na reality show sa Amerika at iba't ibang panig ng mundo, ang Survivor.
"Magugulat ka talaga sa dami ng mga nag-apply for audition," sabi ni Paolo sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pero nakakalungkot nga lang na hindi naman sila makakapasang lahat. Matindi rin kasi ang pagdadaanan nilang process bago talaga mapili ang 16 castaways na susubok sa reality show."
THE PREPARTIONS. Ano ang paghahandang gagawin ng mga nakapasang contestants?
"They will undergo different tests and orientations. Bukod sa physical and medical tests, dadaan din sila sa psychological test. Ang orientations nila will include ang mga possible na mangyayari sa site-kung may snakes, crocodiles, kahit ‘yong pagdating ng monsoon rains, kung ano ang gagawin nila, just in case na may ganoong calamity na dumating.
"Number one na magiging problem nila ay food, dahil hindi ito laging available. Kailangang paghirapan nila para sila kumain. Maraming isda, pero sila ang huhuli at magluluto. Sa tubig, may deep well naman doon, may mga fruit-bearing trees, pero dapat ang kainin nila ay ‘yong mga familiar fruits lang sa kanila.
"Hindi rin sila dapat magreklamo, dahil kung gusto nilang manalo, dapat ay gawin na lang nila lahat ng challenges na ibibigay sa kanila. But of course, siniguro na namin na safe ang lugar dahil nakipag-usap na kami sa government ng country na pupuntahan namin. Kaya lang, hindi pa rin natin alam kung may unavoidable circumstances na mangyayari. Pero naka-ready naman kami dahil walang available communication, maliban via satellite for emergency purposes," mahabang paliwanag ni Paolo.
THE LOCATION. Saan ba gagawin ang kauna-unahang Survivor Philippines?
"May napili na kami, somewhere in South Asia. Pero hindi namin puwedeng sabihin kung saan exactly ‘yon," saad niya.
Paano kung ipagsabi ng mapipiling 16 castaways ang location nila?
"May contract silang pipirmahan na hindi nila puwedeng sabihin kung saan sila pupunta," sagot ni Paolo. "In fact, hindi nila malalaman kung napili sila dahil tatawagan lang sila two weeks bago sila umalis. Nasa kanila ‘yon kung sasabihin nila, dahil puwede silang matanggal o mapalitan kapag nalaman namin na nagsalita sila. Nakakatawa nga na kung saan-saan ang sinasabi nilang lugar na nasa mga blogs sa Internet."
THE HOST. Ano naman ang paghahandang ginagawa ni Paolo bilang host ng Survivor Philippines?
"Napanood ko ang 16 episodes ng American Survivor at talaga namang matindi ang pinagdaanan nila. Kaya kahit ako, kailangang handa ako. I need to last longer, kailangang malakas talaga ang stamina ko. Kaya nagsimula na akong mag-undergo ng cardio, ng workout.
"Hindi lang preparation to be physically fit ang pinaghahandaan ko. Kasama rito ay gabi-gabing prayers na hindi Niya ako pababayaan at palakasin lagi ang katawan ko. Hindi kasi ako puwedeng magkasakit sa duration ng contest. Hindi ako puwedeng magkaroon ng injuries dahil makaka-hamper ‘yon sa trabaho ko bilang host. Ako lang kasi ang puwedeng mag-judge sa ginagawa nila. Hindi ko sila puwedeng pabayaan. Nakatutok sa kanila ang eight big cameras and many handycams kaya mare-record ang lahat ng gagawin nila.
"I will bring everything na kailangan ko—my laptop, my personal camera dahil kailangan kong i-record lahat ‘yon, wala akong PA [personal assistant]. I will be staying in a small, abandoned hotel. At ang lamang ko lang siguro sa kanila, yung makakaligo ako, can eat three meals a day but not in excess.
"I will be a different Paolo, strict, I cannot hang out or chat with them [castaways]. Kakausapin ko lang sila kapag nagbibigay ako ng instructions. If may castaway na hindi na makaya ang challenges at gusto nang umuwi, hindi namin sila pipigilan. Pero ipapaalaala namin sa kanila ang three-million cash prize, tax free, na matatanggap nila. Kung mayroong mae-eliminate, by batch sila uuwi. Mauunang uuwi yung first six castaways na mae-evict."
THE BIBLE. Inamin ni Paolo na napakahigpit ng bible ng Survivor at hindi nila ‘yon pwedeng baguhin o palitan. Kailangang mag-stick sila to the letter.
"Ang nakakatuwa lang," sabi ni Paolo, "dumating dito sa Pilipinas si Julia Dick, she's British, at consultant ng Castaway Productions. Natuwa kami nang sabihin niyang ang Pilipinas lang ang only country na naka-prepare ng lahat ng requirements nila within four months. Samantalang yung ibang countries daw, pinakamabilis silang naka-prepare ay nine months.
"Siya ang nag-approve ng lahat ng gagawin namin, kahit ang backgrounds ng show. Natuwa rin siya na sa pagpi-present namin, kasama na rin dito ang lists of advertisers. Hindi siguro kami nahirapan dahil nasanay na kami sa Extra Challenge at mahusay naman ang marketing department ng GMA Network," pagmamalaki pa ng TV host.
Isa pang itinanong ng PEP kay Paolo ay kung paano kung may magka-inlaban among the castaways at mayroong mabuntis.
"Hindi mo naman mapipigilan kung may mai-in love dahil day in and day out, sila ang magkakasama. Kung may mabuntis, hindi naman siguro siya manganganak na hindi pa tapos ang show dahil 39 days lamang naman tatagal ang contest," natatawang wika ni Paolo.
Mauunang umalis si Paolo at ang production staff ng Survivor Philippines kesa sa mga castaways. Sa June 18 na ang alis nila. After two weeks, saka pa lang susunod ang napiling 16 castaways.
Nalaman din namin kay Paolo na sa mga maiiwanang castaways na finalists, hindi nila malalaman kung sino sa kanila ang mananalo sa pagbalik nila sa Pilipinas. Live daw ang announcement ng winner sa final episode ng reality show gaya ng ginagawa talaga sa Survivor.
0 comments:
Post a Comment