Survivor castoff Patani Daño starting to get more exposure

Thursday, October 9, 2008

Masuwerte ang pinakahuling Survivor Philippines castoff na si Patani Daño dahil nabigyan siya ng pagkakataon na maging guest co-host ni Lucy Torres-Gomez sa lifestyle show nitong The Sweet Life sa QTV 11.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last Tuesday night, October 8, ang tinatawag ngayon na "Yaya ng Bayan" na si Patani habang hinihintay niyang tawagin siya sa taping ng The Sweet Life. Natuwa raw siya nang i-request siya mismo ng misis ni Richard Gomez na maging guest co-host niya nung gabing ‘yon dahil biglang nagkasakit si Wilma Doesnt.

Ayon sa staff na nakausap namin ay natuwa raw si Lucy kay Patani nang mag-taping ito earlier ng isang episode for The Sweet Life, kung saan nakasama nito ang tatlo pang na-vote out na castaways na sina Chevy Macias, Emerson Diño, at Gigit Sulit. Special request daw ni Lucy si Patani dahil napasaya nito ang taping nila kaya gusto niyang makasama ito as guest co-host.

"Nagulat nga ako nang sabihin daw ni Miss Lucy na gusto niya akong mag-co-host. Sino naman ako para tumanggi, di ba? Sayang naman ang exposure!" nakangiting sabi ni Patani.

Hindi naman itinatago ni Patani na matagal na niyang pangarap na makapasok sa showbiz. Nag-audition nga raw siya noon sa Starstruck, pero sa tatlong beses daw niyang nag-audition ay hindi siya nakapasa.

"Gusto ko kasing umarte, mag-host, at magkaroon ng commercial," pag-amin ni Patani. "Yun lang naman ang pangarap ko sa buhay. Wala naman sigurong masama doon, di ba? Ngayon, sino ba ang makakapagsabi na makakasama ko si Miss Lucy sa TV? Isang malaking bagay para sa akin ito kaya masayang-masaya ako!"

NO HARD FEELINGS. Hindi raw masama ang loob ni Patani nang ma-vote out siya ng Jarakay Tribe last Monday, October 6, sa Survivor Philippines. Ini-expect na raw ni Patani na siya ang ibo-vote out dahil malakas ang naging pakiramdam niya.

"Inaamin ko naman wala akong masyadong nagagawa roon. Noong sa challenge nga na kuhanan ng unan, ako lang yata ang hindi masyadong nakatulong noon. Ang ginagawa ko lang talaga ay pinapasaya ko sila. Kung gusto nila akong mag-show, nagsu-show talaga ako para mapasaya ko ang tribo namin. Wala kasi kaming mapaglibangan kaya ako ang natotoka doon.

"Noong ma-vote out nga ako, okey lang kasi malaking bagay na yung nakasama ako sa mga napiling castaways. Maganda na ang naging exposure ko sa show. Kung noon nga, hindi ako kilala ng mga tao sa amin; ngayon halos lahat sila kilala na ako. Pati na ang mga nasasalubong ko ngayon, kilala na ako bilang si Patani. Nakakatuwa kasi ibig sabihin nanonood sila ng Survivor," nakatutuwang kuwento ng Survivor Philippines castoff.

Sino ba ang nami-miss niya at sino ang naging crush niya sa mga lalake ng Survivor Philippines?

"Sa nami-miss, wala naman kasi hindi naman ako naging close sa kahit kanino doon. Okey lang naman ako kahit kanino doon. Pero ang madalas ko makasama noong mga unang araw namin sa isla ay si Chevy. E, una naman siyang natanggal kaya nagkikita kami ngayon.

"Sino ang crush ko sa mga lalake? Okey sa akin si Kiko. Mabait naman siya, e, ‘tsaka magaling magsalita. Siya lang yata ang type ko sa mga boys," ani Patani.

HELLO, SHOWBIZ! Kung sakaling magtuluy-tuloy siya sa showbiz, sinong artista ba ang type niya?

"Ay, crush na crush ko si Robin Padilla at si JC de Vera!" kinikilig na sabi ni Patani. "Ang guwapo kasi nila, di ba? Si Robin kasi, lalakeng-lalake. Si JC naman, ang guwapo niya talaga. Fan ako nilang dalawa at kung makita ko sila nang personal, hindi ko alam ang mararamdaman ko. Baka himatayin ako!"

Kung sakaling hindi siya suwertehin sa pagpasok sa showbiz, ano ang balak niyang gawin?

"Kung hindi man ako suwertehin, okey lang kasi, at least, naranasan ko ang makilala ng maraming tao. Napanood na nila ako sa TV, masaya na ako doon.

"Yung dati kong trabaho bilang yaya, puwedeng kong balikan. Noong nagpaalam ako sa dati kong trabaho, sinabi naman nila na puwede akong bumalik kahit kelan. Hindi nga nila alam noon na kasali ako sa Survivor. Ngayon, natutuwa sila kasi napanood nila ako sa TV.

"Hindi naman ako nangangarap na maging sikat, e. Tama na sa akin ang ganito na nagkaroon ako ng exposure sa TV at nakilala ko ang mga artistang napapanood ko lang sa TV at sinehan noon," pagtatapos ni Patani.

0 comments: