Survivor's Marlon Carmen: Hindi po ako masamang tao

Wednesday, November 26, 2008

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment portal) ang tinaguriang "bad boy of primetime television" na si Marlon Carmen ng Survivor Philippines sa taping ng QTV 11 show na The Sweet Life kagabi, November 25. Si Marlon ang latest castaway na na-vote out mula sa Survivor Philippines

Binitin kasi ng Survivor Philippines ang tanggalan nila last Friday, November 21, para sa exciting na revelation na ito. Kaya last Monday, November 24, ay nalaman na ng followers ng reality show ng GMA-7 na si Marlon ang natanggal.

THE BLACK & WHITE PEARLS. May isa pang twist pagkatapos ma-vote out ni Marlon. Imbes na black pearl ang ibinigay sa kanya ng host na si Paolo Bediones ay white pearl ang iniabot sa kanya.

Ang black pearl kasi ay magsisilbing sumpa sa sinumang may hawak nito at awtomatikong may isang boto laban sa kanya sa susunod na Tribal Council. Ang white pearl naman ay magsisilbing proteksiyon sa nagmamay-ari nito, at mababawasan siya ng isang boto sa susunod na botohan.

Nasira ang unang plano ni Marlon na ibigay ang black pearl na may sumpa kay Cris Cartagenas, na siyang binoto niyang ma-vote out sa isla. Pero pinalitan na nga ang black pearl ng puting perlas, at kay Charisse Yacapin niya ito inabot.

"Iba-iba ang plano ko in case na may black pearl, e," sabi ni Marlon. "Gusto ko nga siyang itapon na lang para wala nang sumpa na maipasa sa mga maiiwan. Pero buti na lang at white pearl ‘yon. And I really chose Charisse kasi siya na lang ang tanging naiiwan na kasamahan ko sa Jarakay Tribe. Naubos na kami kaya I want her to have that protection.

"Kay Charisse ko kasi nakita yung pagiging tunay na kaibigan sa isla. She was the only one that I trusted, lalo na kung may mga plano ako. Ang ipinapakita lang kasi sa TV yung laging napipikon si Charisse sa akin. Pero marami kaming moments na serious kaming nag-uusap at nakikinig siya sa akin.

"At iba rin kung maging loyal si Charisse. Kita n'yo naman, kahit na naging close niya si Kiko [Rustia], still, binoto pa rin niyang maalis si Kiko sa isla. Kasi alam niyang big threat para sa aming lahat si Kiko. Kahit na masama sa loob niya, ginawa pa rin niya yung alam niyang tama para sa tribo namin," lahad ng Survivor castoff.

Kung papipiliin si Marlon kung sino ang gusto niyang manalo sa Survivor Philippines, ang pipiliin daw niya ay walang iba kundi si Charisse.

"Sa lahat naman, si Charisse para sa akin ang deserving. Hindi kasi nila alam kung paano maglaro si Charisse. Iba rin ang utak ng babaeng ‘yan. Kaya mag-ingat silang lahat kay Charisse, kasi she knows how to play games. At bilib ako sa kanya kasi hindi mo mahahalata. Kaya for me, Charisse is the best person to win the game."

Pero okey lang ba sa kanya na ibinoto siya ni Charisse na matanggal na sa tribo?

"Alam ko naman na mangyayari ‘yon kaya wala akong sama ng loob kay Charisse," sabi ni Marlon. "It's either me o siya ang mawala, e. Pero that night, alam ko na ako na ang makakakuha ng maraming boto. I have no ill feelings towards Charisse kasi sinunod lang niya ang nararapat."

Kasama si Marlon sa Tribal Jury na kinabibilangan, as of now, ng iba pang castoffs na sina Jace Flores, Kiko Rustia, at Vern Domingo.

BAD IMAGE. Marami ang gustong mawala na si Marlon sa Survivor Philippines dahil sa pagiging tuso at mapanira nito. Malaking turn off din ang pananakot na ginagawa niya sa mga castaways na paraan niya para hindi siya ma-vote out. Pero sa nangyari nga ay walang natakot sa mga banta niya.

Aminado si Marlon na dahil sa mga ipinakita niya sa Survivor Philippines ay mas marami raw galit sa kanya ngayon kesa sa mga bumilib sa galing niyang magpaikot ng mga kasamahan sa isla.

"Meron namang mga nagsasabi na walang masama sa ginawa ko dahil survival of the fittest talaga ang laro namin. Pero mas nakakarami ang nagagalit sa akin. Sa mga blog site nga, iba ang tingin nila sa akin. Pero kilalanin muna nila ako bago nila ako husgahan. Isipin na lang nila na laro ‘yon at lahat kami may kanya-kanyang strategy dahil sa premyong tatlong milyong piso," paliwanag ni Marlon.

Fan daw kasi ng programang Survivor si Marlon kaya alam niya ang mga style ng paggapang sa ibang contestants.

"Napanood ko ang ilang seasons ng U.S. version ng Survivor at pinag-aralan ko talaga ang dumiskarte at makuha ang loob ng mga kalaban ko. Lahat naman ng napanood nila sa akin, it was all part of the game. Hindi po ako masamang tao tulad ng inaakala nila.

"Lahat kami doon ay naglalaro for the three-million prize at lahat ng puwede naming gawin, good or bad, ay gagawin namin para lang manalo. Hindi lang test of physical strength ang Survivor, mind game talaga ito. Kaya kung mahina ang pag-iisip mo, madali kang mababasa at malalaglag ka," saad niya.

NOT A WAITER ANYMORE. Pagkatapos niyang sumali sa Survivor Philippines ay hindi na bumalik si Marlon sa pinagtatrabahuan niyang restaurant sa SM Mall Of Asia. Ang perang nakuha niya sa ilang days na tinagal niya sa isla ay ipinagpatayo raw niya ng isang Shawarma business.

"After kong makauwi, inisip ko na ang magiging kinabukasan ko. Gusto ko nang magtayo ng sarili kong negosyo. Para na rin sa future ng magiging pamilya ko, di ba? May girlfriend naman na ako at susunod na lang ang pagpapakasal namin.

"Gusto kong pagyamanin ang nakuha kong experience sa show. Yung pagiging independent sa lahat ng bagay. I've been working as a waiter since 1995. Marami na akong napasukan na mga restaurants at gano'n at gano'n na lang parati ang routine.

"Ngayon, I want to make a difference sa buhay ko. I want to start my own business at palalakihin ko iyon sa sipag at tiyaga ko. Alam ko na makakaya ko ‘yon," sabi ni Marlon.

Sa kasalukuyan ay anim na lang ang natitirang castaways sa Survivor Philippines—sina Charisse, Cris, JC Tiuseco, Zita Ortiga, Rob Sy, at Kaye Alipio. Pero mamayang gabi ay mababawasan na naman sila dahil may gaganapin na namang Tribal Council.

Last two weeks na lang ang Survivor Philippines. Sa December na magaganap ang kanilang reunion at malalaman na kung sino ang Final Two na maglalaban for the Pinoy Sole Survivor title.

 

- Philippine Entertainment Portal

0 comments: